Friday, June 20, 2008

HANGGANG KAILAN TAYO NASA LABAS NG ATING BANSA?

by:jojogeronimo@gmail.com

Sa taon lamang ng 2006, nagtala ang POEA ng mahigit isang milyong katao na lumabas ng Pilipinas. Pinakamalaking record sa bilang ng mga kababayan nating ipinadala sa iba't-ibang destinasyon, 197 bansa sa kabuuan sa loob lamang ng isang taon. Sa Pilipinas, ang pangingibang bansa ay isang uri ng kaganapan na hinahangad ng halos lahat ng karaniwang mamamayan lalo na sa bahagi ng mga kababayan natin na walang makuhang trabaho sa ating bansa. Sa bawat lugar na iyong mapuntahan sa Pilipinas, asahan mong may mga miyembro ng pamilya na OFW. Ang Pilipino ang isa sa may pinakamalaking bilang ng mga mamamayan na nagtatrabaho sa ibang bansa, pangalawa sa bilang - kasunod sa bansang Mexico. Sa taon ding ito umabot sa US$12.76B ang remittances na natanggap ng mga pamilya ng OFW.

Walang masama sa migrasyon, ito ay isang karapatan ng bawat nilalang na mamuhay ng maayos at tama sa bansang ninanais nating puntahan. Bagamat nakabatay sa tamang proseso at nakaayon sa batas ng bansang tutuluyan at aalisan ang pamamaraan, ang migrasyon ay isang ekspresyon ng kalayaan sa pagpili. Subalit, kung ang migrasyon ay sapilitan, ibig sabihin, labag sa ating kalooban at kagustuhan ang umalis subalit wala tayong magawa - ito ay nagiging mali. Tinatawag itong—tulak ng kalagayan ayon sa iba't-ibang uri ng kadahilanan o Forced Migration. Maaring kahirapan, pagkabagot sa sistema ng bansa, pagkainip sa buhay, kawalan ng nakikitang pag-asa at marami pang iba. Mga kadahilanang bitbit ng bawat isa sa atin kung bakit tayo lumayo at nangibang bayan ganu'ng nasa Pilipinas ang ating mga mahal sa buhay. Ang bawat isa ay may kanya-kanyang dahilan sa paglisan, at ayon sa istatiska, kalakhang bilang ng mga Pilipinong lumikas ng bansa ay dahil sa kagustuhang maghanap ng trabaho at makakita ng oportunidad sa mga bansang mas abante ang kalagayan kaysa sa Pilipinas.

Sa ating pag-alis, may pangakong isa, dalawa o tatlong taon ng pag-iipon -- pampatayo ng bahay o kaya'y pambayad sa utang o di kaya'y pag-iipon ng kapital pang-kabuhayan at marami pang ibang kadahilanan. Subalit sa pagtakbo ng panahon, ang isang taon ay nagiging dalawa, ang dalawa ay nagiging tatlo at ang tatlo ay nagiging apat hanggang sa humaba ng humaba ang bilang ng mga panahon ng pagkakawalay natin sa ating mga mahal sa buhay.

Marahil ay hindi na lingid sa atin ang mga karanasan ng mga ama o ina na umalis sa kanilang bayan habang maliit pa ang anak, subalit sa paglakad ng araw, nakatapos na ng kolehiyo ang anak ay hindi pa din bumabalik ang magulang sa Pilipinas.

Malaking BAKIT? Ito ang madalas nating itanong sa ating sarili. Sa kabila ng mga ipinapadala nating pera bawat buwan, hindi pa din nababago ang ating mga pangekonomiyang kalagayan, ang ating buhay, ang ating sitwasyon. Bagamat sumasagi sa isip natin madalas ang pag-uwi upang makasama ang ating mga mahal sa buhay, nangingibabaw pa din ang pananatili at kumita ng pera sa ibang bansa.

Sa puntong ito, susubukan nating sagutin ang malaking katanungang ito sa ating mga sarili...BAKIT NGA BA?

ANG PERA AY NASA ISIP LAMANG
Una, saan napupunta ang US$12.76B na remittances natin sa ating mga pamilya? Ayon sa survey na isinagawa ng isang financial group, halos kabuuang porsiyento ng pamilya ng mga OFW sa pilipinas ay mababa ang kamalayan at kaisipan sa pag-iipon ng pera. Kalakhang bahagi ng mga perang pumapasok sa kanilang mga bank account ay napupunta sa mga gastusin sa pang araw-araw, pagbili ng mga labis na kagamitang hindi talaga kailangan, pagpapatayo ng malalaking bahay at kasangkapan, shopping malls, pagkain at luho sa materyal na pangangailangan – malaking bahagi ng mga bumubuhay sa mga SM, Robinson, Jollibee, Bench atbp. ay pamilya ng mga OFW. Samantalang sa isinagawang survey naman ng Citibank sa Pilipinas, isa lamang sa bawat sampung katao ang gumagawa ng pag-iipon para sa kanyang kinabukasan. Kalakhang bilang ng mga Pilipino ay nauubos ang perang pinaghirapan sa kasalukuyan. Bagamat marami ang nag-iisip na makaipon, iilan lamang ang may sapat na disiplina upang maisakatuparan ito.

Kung pag—iisipang mabuti, nakakaalarma ang ganitong pagsusuri sa kamalayan ng mga Pilipino. Malaking bagay ang pagkakaroon ng tamang disiplina upang makaipon. Kung nais nating mabago ang ating buhay, hindi lamang ang pagkakaroon ng maraming pera ang solusyon. Pansinin mo kung isa ka sa mga taong kahit gaano pa kalaki ang mahawakang pera, asahan mong kulang at kulang pa din. Ito ay dahil hindi pera ang problema, kung hindi ang paraan ng paghawak ng pera. Kung nais nating mabago ang ating kalagayan, unahin nating baguhin ang ating gawi at kaisipan. Ang pera ay nasa isip lamang, ganun din ang pag-aalaga dito. Hindi siya ginagastos ng tukso o pagnanasang bumili, hindi din ito nauubos ng kusa, ang paggastos ay dumadaan muna sa proseso ng ating isipan bago ito isagawa. Kung paanong ganun din ang proseso bago ka makagawa ng pera, kailangan mo munang padaanin sa iyong isip ang proseso upang makalikha ng pera – maging trabaho man o ibang paraan ng paglikha nito. Ito ang dahilan kung bakit kadalasan, nami-misinterpret natin ang mga may kaya sa buhay o kaya'y may mga naipon - bilang mga taong kuripot. Sa totoo lang, hindi sila naging mayaman o kaya'y nagkaroon ng maraming savings dahil sa kuripot sila, kung hindi dahil nakalikha sila ng disiplina sa paggastos ng pera. Naniwala silang ang pagnanasang gastusin ang pera sa mga luho ay nasa kanilang isipan lamang, kung saan ang paglikha ng pera ay nasa isip din lamang. Dahil sa nasa isip lamang ang lahat ng ito, at ang isip ay nasa loob ng ating pagkatao, nangangahulugan lamang na tayo pa din ang Big Boss ng ating isip. At dahil ikaw ang Big Boss, ikaw ang magdedesisyon kung saan mo ito dadalhin, sa pag-iipon ba ng tama o sa pagsunod mo sa tawag ng hindi makatwirang paggastos?

JUAN: Gastos sa luhoàwalang naiiponàsource ng income: trabaho ulit para magkaperaàgastosàwalang iponàtrabaho hanggang tumanda sa ibang bansaàpag-uwi sa Pilipinas à gastos à kailangang umasa sa anak para sa gamot at kabuhayan kapag hindi na kayang magtrabaho.

PEDRO: Tipidàmay naiiponàpinagkakakitaan ulit ang naiiponàpampatayo ng kabuhayanàsource ng income: kita sa trabaho, kita sa naipon, kita sa negosyoàinvestmentàpag-uwi sa Pilipinas, retirement securityà Source ng income: negosyo, investmentà kasama ang pamilya sa Pilipinas at hindi na kailangan pang mangibang bansa para mabuhay.

ALAMIN ANG KAIBAHAN NG "GUSTO AT KAILANGAN"
Pangalawa, nakatuon ang ating kaisipan sa mga gastusing pampamilya. Maluwag tayo sa lahat ng uri ng mga gastusin pagdating sa ating mga mahal sa buhay. Nakahanda tayong pakawalan ang inipon natin ng maraming taon sa isang pagkakataon lamang ng pangangailangan ng ating mahal sa buhay. Nakafocus tayo sa paggastos ng ating naipon sa halip na gumawa ng ibang paraan upang solusyunan ang papasok na problema.

Mahalaga dito ang pag-aaral at kaalaman sa paghawak ng pera. Kung wala tayong pagsisikap na matuto sa paghawak ng perang pinagpapaguran natin, hinding-hindi tayo makakaipon o kaya'y aabante sa pinansiyal na bahagi ng ating buhay. Kailangan matutunan nating kilalanin ang ating mga gusto (wants) at kailangan (needs) kapag hindi natin kayang paghiwalayin ang dalawa, may problema tayo sa ating pananaw sa pera. Madalas tayong naghahangad ng magagarang kagamitan at luho sa buhay…sino nga ba ang hindi? Subalit dapat natin maunawaan na ang paggamit sa perang ating pinagpapaguran, pambili sa mga bagay na gusto lamang natin kahit hindi kailangan ay katumbas din ng araw na ipinagtrabaho natin at araw na nawawala sa ating buhay.

JUAN: kita sa trabahoàpambili ng MP3, PSP, Levi's etc. à ubos ang peraàtrabahoàgastosànaniniwalang dapat lang niyang ibigay ang luho sa sarili dahil nagpapagod siya sa trabahoàtumanda na walang iponàtrabaho pa din para buhayin ang pamilya

PEDRO: kita sa trabahoàipon at gastos sa mga bagay na kailangan lamangàpinapalaki ang perang naiponànagtayo ng kabuhayanàkita sa trabaho at kita sa kabuhayanàinvestmentàretirement, masayang kasama ang pamilya.

PAGKATAPOS MAKAIPON, ANO NA ANG KASUNOD?
Pangatlo, marami sa atin ang ipon ng ipon ng pera mula sa ating pagtatrabaho subalit hindi natin alam kung saan ito dadalhin pagkatapos nating ipunin. Bagamat marami tayong iniisip sa ating kinabukasan, subalit dahil sa kawalan ng konkretong plano na nakasulat sa ating isip at sa papel...ang matagal nating pinag-ipunan ay dahan-dahan ding mauubos dahil sa kawalan ng direksyon sa pupuntahan ng ating pera.

JUAN: Trabahoàiponàtrabahoàiponàtrabahoàiponànangailangan ang pamilya ng dagliang panggastosàubos ang naipon ng matagal à trabaho àiponàtrabaho

PEDRO: Trabahoàiponàplano (mahalaga ito upang malaman kung magkano ang dapat lamang gastusin at magkano ang dapat itabi, sa kahit anu pa mang kadahilanan ang dumating)àkabuhayanàpamumuhay na kasama ang pamilya sa Pilipinas

HINDI PA KAYAMANAN ANG ISANG BAGAY NA NASA ISIP LAMANG
Pang-apat, mayaman tayo sa materyal na kayamanan..appliances, bahay, sasakyan, lupa, alahas at iba pang mga luho dahil sa paniniwala nating ang mga ito ay maaaring maging pera kapag kailangan natin sa panahon ng kagipitan. Ginto man ang hawak natin, asahan mong sa panahon na kapag ikaw ang nangangailangan ng pera - kahit ginto ay hindi mo maibebenta sa halaga noong una mo itong binili. Ang tawag dito ay asset rich but cash poor. Halimbawa dito ay ang mga lupaing binili ng CAP (educational plan company), sa panahong nag-matured na ang mga insurance ng kanilang mga kleyente, wala itong makuhang benepisyo mula sa CAP dahil ang pera nito ay nakapasok lahat sa mga lupain. Mga lupa na hindi mai-convert sa pera dahil sa kawalan ng mga investors na nangangailangan ng lupa. Subukan nating magbenta ng ating lupa o di kaya'y bahay at madaling malaman ang ibig sabihin ng bahaging ito, ang lupa ay mayaman sa pangako, subalit mahirap ibenta. Asset Rich but Cash Poor. Nagiging kayamanan lamang ang kotse, kasangkapan, bahay o lupain kung ito ay nagpapasok ng pera sa ating bulsa. Subalit hanggat ang kikitain nito ay nasa isip lamang natin o di kaya'y nasa pangako pa lamang o di kaya'y binabayaran mo ang pagme-maintain dito tulad ng taxes, pagpapagawa at ibapa, hindi ito pwedeng maging kayamanan o panghawakan para sa ating kinabukasan. Ang pag-iinvest sa mga materyal na bagay ay naaayon lamang kung may mga labis ka ng pera o kabuhayan na magbibigay ng iyong mga pangangailangan kahit hindi mo asahan ang iyong mga materyal na investments.

JUAN: trabahoàiponàbumili ng alahas (investment)àbumili ng mga lupain (tataas ang value)àtulog ang pera sa mga pangakong kita sa lupa at alahasà nangailangan ng malaking halaga, emergencyàbinenta sa murang halaga ang alahasà walang bumili ng lupa, ibenenta sa mababang halaga-->trabaho ulitàpagkakalayo sa pamilya hanggang tumanda
Note: Asset Rich but Cash Poor

PEDRO: trabahoàiponàinvestment (nagtatrabaho din ang pera para kumita)àdalawang source ng income: kita sa trabaho at kita ng perang nasa investmentà kabuhayanàinvestment (money work for him)àretirement, kasama ng pamilya.
Note: Nagiging pinansiyal na kayamanan lamang ang isang bagay kung ito ay nagpapasok sa ating bulsa ng kita o pera. Hanggat ang kikitain nito ay nasa isip lamang natin o di kaya'y nasa pangako pa lamang, hindi ito pwedeng tawaging kayamanan o di kaya'y panghawakan man lamang para sa ating kinabukasan.

MAS MARAMING MAGAGAWA KUNG LALABANAN ANG TAKOT
Panglima, labanan ang takot. Walang tao ang hindi nakakaramdam ng takot. Bawat isa ay may kanya-kanyang takot sa anumang aspeto ng buhay. Ang tao ay nagkakaiba hindi sa laki o liit ng takot na dala natin sa ating sarili, kung hindi sa paraan kung paano natin ginagamit ito. Maging ang mga bayani ay may takot na dala sa kanilang mga sarili, subalit sa kabila nito, ginawa pa din nila ang kanilang naisin, ito ang dahilan kung bakit sila kinilala at hinangaan.

Minsan subukan nating gawin ang mga bagay na sa tingin natin ay makakatulong sa atin sa hinaharap kahit na may takot tayong gawin ito. Madalas ay mas natatakot tayo sa maliit na kahihiyang idudulot sa atin ng isang bagay kapag ginawa natin ito at hindi tayo magtagumpay, sa halip na manghinayang tayo sa mas malaking biyaya na nag-aabang sa atin kung sakaling gawin natin ito at magtagumpay tayo. Labanan ang takot at asahan nating mas marami tayong magagawa sa ating buhay.

JUAN: Takot à Kawalan Ng GawaàHindi kumikilos dahil sa takot à Walang Nararating.
PEDRO: Paglaban sa takotàGawaàPagkakaroon ng resulta àMay Nararating

IBUHOS ANG GALING AT ORAS SA NAIS MARATING
Panghuli, mahalaga ang direksyon at plano sa buhay. Kung wala tayo nito, para tayong naglalakad sa disyerto na nakapiring ang mata. Mas madali nating maaabot ang ating mga pangarap kung isasalin natin ito sa plano, nakasulat at detalyado...sa ganitong paraan, mas madali nating mararating ang ating mga pangarap sa buhay dahil nakikita natin ang mga mahahalagang bagay na dapat nating gawin. Magkakaroon tayo ng focus at direksyon, mabibigyan natin ng kahalagahan ang mga bagay na importante at hindi importante sa buhay natin. Sa ganitong paraan, mababawasan ang mga ginagawa nating hindi tumutugma sa nais nating marating. Lahat ng gagawin mo sa buhay ay naka-focus sa mga bagay na makakatulong sa iyong mga plano at mabubuting pangarap sa buhay. Ang oras ang pinakamahalagang kakampi ng tao upang magtagumpay, kung mababawasan natin ang mga gawaing hindi importante sa ating mga pangarap, mas madali tayong makakarating sa ating nais puntahan.

JUAN: trabahoàiponàbarkadaàinom, tambayàtrabahoàiponàuwi sa pinas, walang planoàgastosàwalang direksyonàgastosàubos ang naiponàhanap ulit ng ibang bansang pupuntahan

PEDRO: trabahoàiponàplano na magkaroon ng kabuhayan sa pinas na kasama ang pamilyaàiponàtrabahoàiponàuwi sa pinasàdetalyado ang plano sa kabuhayang itatayo (malinaw ang plano kung sakaling lumakas man o humina ang kabuhayan, alam ang gagawin)àmay direksyon, determinado na magtagumpayàinvestmentàretirement kasama ang pamilya na nabubuhay ng maayos sa Pilipinas.

Ang ilan sa mga nabasa natin ay isa lamang pagpapasimple sa isang sitwasyon upang madali natin itong maintindihan. Marahil ay masasabi nating madaling sabihin ang mga nabanggit, subalit mahirap gawin. Mahalagang maunawaan sana natin na kung nasaan at anuman ang sitwasyon natin sa buhay ngayon, ito ay dahil pinili nating maging ganito. Walang nagtulak sa atin upang gawin kung anuman ang kinahinatnan ng ating buhay. Ang lahat ng nangyayari sa atin ay desisyong nagmula sa ating pagpili..hindi ibig sabihin nito na nasa atin ang lahat ng sisi kung may mga mali man tayong nagagawa, ang ibig lamang sabihin ay dapat alam natin na tayo, ang sarili natin ang responsable sa mga bagay na nangyayari sa atin. Hanggat hindi tayo nagiging responsable sa sarili nating mga desisyon, hindi natin makikita na kaya nating baguhin ang ating sitwasyon at kinalalagyan sa kasalukuyan kung hindi ka man kuntento dito.

Madaming panahon na ang nawala, maraming pagkakataon na ang nasayang, bawat araw na nasa iba tayong bansa ay isang araw na wala din tayo sa tabi ng ating mga mahal sa buhay. At kadalasan ay nangyayari ito dahil lamang sa maling paniniwala....kasi bulok ang gobyerno, kasi ipinanganak kaming mahirap, kasi magastos ang mga anak ko, kasi yung kapitbahay namin, kasi ang abu sayyaf, kasi..kasi...ang daming kasi. Nakakita na ba kayo ng taong umasenso dahil marami siyang KASI sa buhay?

Ang pagbabago ay nagmumula sa atin, tayo lamang ang makakapagpabago sa ating buhay. Hanggat hindi natin pinanghahawakan ang responsibilidad sa ating sarili, hinding-hindi ito mababago. Kadalasan ang pinansiyal na pag-unlad ang hinihintay natin upang bumalik ng Pilipinas, upang makapagtayo ng kabuhayan at mabuhay na kasama ang ating pamilya. Bagamat ito ang ating hinihintay, wala din tayong ginagawa upang matuto sa pinansiyal na aspeto ng ating buhay. Ang resulta, dahil sa kawalan ng plano at pagsisikap na matuto sa pinansiyal na aspeto, nauubos at nauubos din agad ang pinag-ipunan ng matagal. Ito ang dahilan kung bakit kinakailangan muling bumalik ng ibang bansa sa oras na ubos na ang naipon. Kung nanaisin talaga natin, kaya natin itong mangyari, simulan natin sa ating mga kaisipan ang pagbabago, mula dito, mababago din ang iyong attitude sa buhay at pananaw kung paano natin haharapin ang ating mga mithiin. Kung nakaya ng iba na umangat mula sa paghihirap patungo sa pag-asenso, walang dahilan para hindi din natin makaya. Ayon nga sa kasabihan, ang tao kapag determinado, walang dahilan sa sarili, palagi itong gumagawa ng paraan.

No comments: